Kung hindi umuulan, sobrang init naman. Maalinsangan ang paligid kahapon, tirik na tirik ang araw. Mag-aalas dos ng hapon na yun. Wala kaming mapuntahan ng kaibigan kong si Edric. Si Edu naman, isa ko ring kaibigan, hindi pwede dahil duty sa SA (Student Assistant). Iniwan na namin sya sa DevCom building kahit wala kaming mapuntahan. Sakay ni Red (poging auto ni Edric), nakatigil kami sa may UP gate, yung palikong laging tinatawiran ng mga hindi taga-UPLB, tanga lang, sa gitna tumatawid.
“Ano sa’n tayo?!,” paulit-ulit nyang tanong. Kasi naman wala kong maisip na magandang puntahan sa oras na yun. ‘Nak ng tinapa, madalas na lang kaming walang matambayan.
“Tara Blitz nalang! Bottomless tayo!,” yaya ko sakanya. Internet cafe yun na may masarap na chao fan at may bottomless aysti sa halagang 40 pesos. Okay din kasi dun, malamig. Kahit minsan amoy ipis at amoy banyo. Kadiri.
“Oo nga noh, tara!,” sagot naman niya.
Hindi na siya nagdalawang isip at pinaandar na si Red. Malapit lang naman ang Blitz pero pagpunta dun parang medyo tumagal din nang konti dahil sa mababagal na jeep. Background music pa namin ang With a Smile ng Eheads. Tamang chillax lang.
Hindi na rin natapos yung kanta at andun na kami sa tapat ng Mer-nel’s, nagpaparada. Dali-dali kaming pumasok ng Blitz. Deretso si Edric sa counter at umorder na agad ng dalawang bottomless aysti. Peyborit kasi namin orderin yun dun pag tatambay nang matagal. Napapaabot na ng hanggang walong baso. Parang ginagawa naming limang piso bawat baso. Sulit na sulit. Ako naman dumeretso ng C.R. nun, nagbawas ng liquid sa katawan para sa sunod-sunod na baso ng aysti. Tamang tama para sa mainit na panahon.
Paglabas ko ng C.R., nakapwesto na si Edric sa may table na tapat na tapat ng aircon. Tumayo ako sa may counter at akmang babayaran sana yung akin pero binayaran na pala niya pareho. Pagtingin ko sa may table sa harap ko, nagsserve si Ate Blitz ng grilled liempo meal. Napatitig ako.
Hindi sa pagkain kasi kakakain ko lang ng tanghalian nun, pero sa dalawang lalaking kakain nung masarap na liempo.
Napatitig ako dahil sa magkaibang hitsura nung dalawang lalaki. Yung isa ay mukhang nasa maayos na katayuan naman sa buhay. Palagay ko ay may nasa edad na di bababa ng 25 at di lalampas sa 30. Wari ko’y tahimik at mabuti siyang tao. Simple ang hitsura, simple manamit, simple ang nakaguhit sa mukha. Nakatshirt na medyo semi-fit, na ang mga manggas ay mas mataas pa sa siko, nakajeans na simple at nakasapatos.
Yung isa naman ay mukhang nasa edad na di bababa sa 17 at di lalampas ng 25, at mukhang biktima ng kapusukan sa mga kabataan. Fierce-looking, kumbaga, na medyo mukhang nakakaawa din. May pagkabad boy look na poging lameg. Nakashorts na malaki at luwag na khaki, nakamalaking polo-shirt na nakataas pa ang kuwelyo, at nakatsinelas. May kulay ang buhok niyang magulo. Nakahikaw, jeproks na jeproks at parang bagong gising na parang nagulpi. Sa madaling salita, jologs.
“Dyologs,” sa isip-isip ko, “nakakahiya naman siyang kasama.”
Ngunit hindi ako napatitig dahil sa kakatwang pagkakaiba ng kanilang mga hitsura. Naisip ko kasi, “magkaibigan kaya sila? Bakit mukhang hindi naman sila nag-uusap? Atsaka bakit mukhang ibang iba talaga sila ng katayuan sa buhay?” Sa ilang segundong nakatitig sa kanila, naisip ko lahat yan.
..pero hindi ko masagot. Biglang automatic na lang na inisip ko, siguro ay pinapakain lang niya yung binata. Kawang-gawa, kumbaga.
Naputol ang pagkakatitig ko nang mapansin kong lumingon yung binata sa akin. Napansin din niya yatang nakatitig ako sa kanila at tila ba nahiya siya na medyo napatigil sa paghiwa ng grilled liempo niya.
Dahil dito ay mas lumakas ang hinala kong pinapakain nga siya nung isang lalake. Umupo na ko sa table namin ni Edric at hinintay na ang bottomless aysti namin.
“Tol, tingnan mo yung dalawang lalake dun, parang pinapakain nung isa yung jologs, pulubi ata,” wika ko kay Edric.
“Oh? Haha! Ang sama e! Pinapakain ba?”
“Oo tol! Tingnan mo yung hitsura, ultra jologs pero yung isa hindi naman ganun,” parang tsismosong sabi ko sa kanya.
“Tangina o’nga noh? Baka bading, papa niya kaya pinapakain. Hahaha.” Tawanan kami.
“Hindi tol! Hindi nga nag-uusap kanina eh..tinitingnan ko.”
Naputol ang usapan namin nang dumating na yung aysti. Sa uhaw namin ay naubos agad, pinarefill-an ko na din agad para sa pangalawa naming baso.
Kwentuhan lang kami at tawanan dun sa Blitz habang umiinom ng aysti. Maya’t maya naman eh tingin kami nang tingin dun sa dalawang lalake, inaasahang masatisfy ang malilikot naming mga isip. Tamang nagoobserba lang habang tumatambay.
Hindi na rin nagtagal eh nakita na ni Edric tumayo yung dalawang lalake. Tapos na silang kumain.
“Tol, tol ayan na! Tingnan natin..,” makulit niyang sabi sakin.
Pasimple naming inabangan lumakad sa harap namin yung dalawa. Walang usap-usap ay lumabas na sila ng Blitz. Nakasunod ang aming mga tingin na para bang nakakakita ng artista o magandang kotse. Habol-tingin. Nakalabas na sila pero kita pa rin dahil salamin yung bintana.
Nakita naming nagtapikan sila ng balikat at naghiwalay na ng landas. Nakita namin sa kanilang dalawa ang kagaanan ng loob, kaginhawahan ng puso. Si Kuya naka-blue ay tumawid na at parang pasakay ng jeep. Yung jologs naman eh lumakad na palayo.
“Putang ina! Oo nga noh!,” gulat na sabi ni Edric.
“Ayos ang trip niya noh,” wika ko naman.
Sa pag-alis nung dalawa ay naiwan naman kaming nakatulala lang na nakatingin sa labas. Malamig ang paligid sa loob ng Blitz, medyo madilim, ngunit nasisilaw kami sa liwanag na nagmumula sa repleksyon ng araw sa salamin ng isang kotse. Isa iyong hapong tila ba nakatigil ang mundo, nakatigil ang mga tao.
At pati kami, napatigil..nakatingin sa malayong tila ba malalim ang mga iniisip. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya no’n pero ako, hindi maalis sa akin ang pagtataka at pagkamangha dun sa lalaking nagkawang-gawa na gumawa ng maliit na bagay para dun sa isa.
Sa halagang singkwenta pesos ay nakapagbigay siya ng pag-asa, ng pagmamahal na tila ba hindi nararamdaman nung binata. Ang pagkain ay natutunaw din. Ilang oras lang pagkatapos no’n eh itatae din niya yung grilled liempo, pero naisip ko, sa gawaing yun ay ipinakita at ipinaramdam dun sa binata na may mabubuti pang taong may malasakit sa kapwa, na hindi kanya-kanya ang buhay dito sa mundo. Sa mabuting gawa na yun ay palagay ko’y tinulungan niyang makapagbago yung lalaki. Gaano man kapusok o kabayolente nung binata, isa yong kaginhawahan sa parte ni Kuya naka-blue. Marahil sa pagsakay niya ng jeep, isang magaang kapayapaan at kasiyahan ang nasa puso niya, na kahit papano, sa sobrang liit na bagay ay nakatulong siya, nakapagpakain ng gutom, nakapagsilbi sa kapwa.
Humarap sa akin bigla si Edric mula sa pagkakatingin sa malayo. Wari ko’y alam niyang yun din ang nasa isip ko.
“Pagpapalain yung taong yun. Matindi ang balik sa kanya nun,” pagputol niya ng katahimikan.
“Oo nga eh. Ano kayang naisip non? Lakas ng trip eh. Gawin kaya natin yun?,” sagot ko naman.
“Tangina, gumagastos tayo sa yosi at beer at kung anu-ano pang mga bagay na wala lang, pero di tayo makagawa ng ganon sa kapwa. Isang bote ng beer, isang meal nang pwedeng makapagpabago ng isip at ugali ng isang tao,” seryoso niyang paghinuha.
Nung mga panahon na yun, hindi tumitigil ang pagtirik ng mga balahibo ko. Lagi itong nangyayari sa akin sa mga sandaling napapaisip ako ng mga seryosong bagay, naiinspire,o pag nagdadasal. Pag ganon ay naiisip kong sign yun ng Holy Spirit, sign yun ni God sakin.
Pinag-usapan namin yun ni Edric nang matagal. Kapwa kami nagulat at namangha sa kabutihang ipinamalas ni Kuya naka-blue. Tila ba isang sign yun para sa amin na kahit sa maliliit na bagay, maliliit na bagay na mawawala sa amin, ay maaaring malaki at mas matindi ang kapalit dun sa buhay ng tao.
Marami tayong mga nakakasalamuha at nakikitang mga tao sa araw-araw. Estranghero man tayo sa kanila, at sila sa atin, hindi naman tayo nito pinipigilang makapagbigay ng tulong, makapagpamalas ng kabuluhan, o simpleng makapagbigay ng kaligayahan.
Madami pa kaming napagkwentuhan ni Edric, madami pang mga naiisip gawin pero isa lang ang sigurado namin: na basta may pagkakataong tumulong, may pagkakataong gumawa ng mabuti, hindi namin papakawalan.
Lahat tayo gustong baguhin ang mundo. Lahat tayo gustong baguhin ang gobyerno. Lahat tayo gusto ng kaginhawaan at kapayapaan. Pero naiisip mo ba, sa maliliit na bagay na pwede kang makatulong at makapagsimula ng pagbabago, ginagawa mo ba? O patuloy ka lang nagpapadala sa mabilis na agos ng buhay..at hindi pinapansing may mga nalulunod sa paligid natin? Tayong mga may salbabida, tayong may mga makakapitang troso, naisip ba nating sumagip ng kahit isa lang?
Gasgas man at naririnig mo na lagi. Pero sa pagbabago ng mundo, kasama dun ang sarili mo.