Ang sarap ng simoy ng hangin. Dama ko mula sa loob ng sasakyan ang ganda ng klima ng Tagaytay. Ramdam na ramdam..lalo na pag ganung dapit-hapon. Nakakain na ko ng isaw at nakapagsoftdrinks na pero apat pa lang ang mga pasahero pa-Calamba. Sumakay na lang din ako at umupo sa pinakakomportableng pwesto, tumingin sa labas at pinanood na lang ang mga punong nagsasayawan.
Paisa-isa ang mga sumasakay, pero hindi na rin nagtagal at napuno na ang van. Aandar na, sa wakas. Pero ito ang pinakaayaw kong parte pag bumibisita ko sa Tagaytay – ang pag-uwi. Hindi lang dahil magkakahiwalay na naman kami ng gelpren ko pero dahil din sa ilang saglit lang ay nasa mainit at maalinsangang lugar na naman ako. Dadaan sa magulong parte ng Calamba at makikita na naman ang madaldal na dispatcher ng pa-UP College na mga jeep. Saklap diba. Pero di naman ako makakauwing Los Baños kung hindi dadaan dun.
Sa pag-andar ng van palabas ng highway ay may napansin akong matangkad at maitim na dayuhan patungo sa terminal. May kasama siyang pinay at may karga-kargang anak.
“Shet, parang pamilyar yun!,” sa isip-isip ko.
Biglang napazoom-in ang mga mata ko sa mukha nung dayuhan na para bang lente ng kamerang nagfofocus sa subject nito. Pinagmasdan ko siyang mabuti at inisip kung kilala ko nga ba siya o may kamukha lang na basketbolista o aktor sa haliwud.
“Ah alam ko na! Oo nga, siya nga yun!”
Sa isang kisap ay naging sariwa sa isipan ko ang isang beses na pauwi din ako galing Tagaytay. Mga ilang buwan na rin ang lumipas, hindi pa nagsisimula ang pasukan non. Nakipagkita ako sa gelpren ko at nagheng-ewt kami sa Istarbaks. Mga hapon na nang maghiwalay kami. Bumaba na siya sa may Olivarez Plaza, ako naman eh dumeretso sa terminal.
Pagdating ko ng terminal ay nakita kong Tamaraw FX ang babyahe pa-Calamba. Owld skool. Minsan na nga lang ako bumyahe dito, minalas pa. Wala pang sakay noon, pero kung hihintayin ko ang van na kasunod, baka gabihin pa ko. Inisip ko nalang mabuti kung saan pinakamaayos umupo.
Pero minsan pahamak talaga ang pag-iisip. Na mas epektib pang basta mo na lang gawin ko anong tingin mong tama sa unang hula. Pano ba naman, habang nag-iisip ako at nakatayo lang, bigla nalang may nagsakayan sa harap at gitna. Sa likod ang bagsak ko, patagilid ang upo at pangtatluhan. No choice. Sa harap ko ay may umupong wari ko’y dalagang ina, may bitbit na dalawang chikiting. Sa maliit na espasyo sa sahig pinaupo. Samakatuwid, kawawa ang mahaba kong mga binti.
Maya maya may dumating na malaking lalaki na may dala-dalang monitor. “Wag ka sakin tatabi. Wag ka sakin tatabi,” dasal-dasal ko. Pero linsyak, sakin tumabi.
Sa puntong iyon, pinalilibutan ako ng dalawang bata, isang malaking mama, at ang dala niyang pampasikip na monitor. Bali tatlo na lang ang kulang. Ilang saglit ay may dalawang lalaking sumakay, isa sa tabi nung babae at isa sa tabi nung may monitor.
Isa na lang ang kulang.
At eto na nga ang isang phoranger, may bitbit na payong at may nakasukbit na bag sa likod. Dagdag pa nito, may karga siyang anak na babaeng may kulot na kulot na buhok! Siguro nasa tatlong taong gulang pa lang siya.
“T*ngna, pano pa naman kaya yan magkakasya dito eh mas mahaba pa nga yan saken! Ang dami pang bitbit!,” kunot-noong iniisip ko.
Sumakay na yung dayuhang medyo kahawig ni Kobe Bryant, pinilit pinagkasya ang sarili at ang anak niya, ang payong at bag niya. Nang akala niyang ayos na, sinara na niya ang pinto ng FX. Nabigo. Hindi kasya. Nag-isudan paharap ang mga pasahero para lang pagkasyahin siya. Mas nasiksik pa ko nang todo todo.
“Ok ka lang, Sir?,” tanong ng mamang katabi ko.
Ngumiti na lang ako at nagkunwaring ok nga lang, pero sa katunayan, kalahati na lang ng pwet ko ang nakaupo at baluktot ang aking mga paa. Kung aangal pa naman ako, baka di pa magkasya yung phoranger at matagalan pa ang alis ng sasakyan. Minsan kelangan mong magtiis na lang.
Umandar na ang FX. Sa pag-alog ng sasakyan ay medyo napasabit naman ang isang pisngi ng pwet ko. Pwede na. Kakayanin na ang halos isang oras na biyahe.
“I’m sorry, don’t worry we’ll get off at AUP (Adventist University of the Phils.),” sabi ng phoranger. Tawagin na lang siguro natin siyang Janni.
“We’re alright, Sir. What’s your nationality, Sir?,” sagot naman ng mamang katabi ko. Nagtatrabaho siguro siya sa isang hotel o restaurant. Aba’t palaging naka-Sir eh ang laking bulas niya.
Sa pagtatanong niyang iyon ay napatitig ako kay Janni. Sa ilang segundo ay parang sinubukan kong hulaan kung saang bansa nga ba siya galing. Malalim ang kanyang mga mata, at kung pagmamasdan mo pa lalo ay mapapansin mo ang pagkalamlam ng mga ito. Matangos ang ilong niya at manipis ang labi. Hindi siya mukhang Aprikano.
“I’m from the Caribbean,” nakangiti niyang sagot kay…Abdul. Tawagin na lang nating Abdul yung katabi ko.
“Ow really, Sir? As in like in the Pirates of the Carribean?!
“Yes yes! The movie of, what’s his name again, Janni! Janni!! Yah, Janni Depp!” Aba’t napangiti siya nang todo. Labas ang buto ng pisngi niya at lumitaw ang puting-puti niyang mga ngipin.
Natuwa si Janni, sikat ang bansa niya dahil kay Johnny Depp. Haha. Si Abdul naman, nagtanong na nang nagtanong. Aba minsan ka nga lang naman may makakakwentuhang phoranger, sulitin na.
“Sir, are there pirates in your country in real life? What are your national cuisines? Is it a third world country? Are all Carribeans black? At pag nagsasalita pa si Abdul ay gumagalaw ang mga kamay niyang parang nagkakaykay ng lupa. Siguro ay nakakahukay siya ng Inggles pag ganon. Hindi na rin niya namamalayang may mga ibang tanong siyang maaaring makasakit, at mas malala, makagalit.
Pero matiyaga at malugod pa rin siyang sinasagot at kinekwentuhan ni Janni. Nakwento na niya ang kasaysayan ng bansa niya, ang mga kaugalian ng mga tao doon at kung anu-ano pa. Buti na lang at himbing na himbing ang kanyang anak.
Kahit na hindi komportable ang upo ko ay nakikinig ako sa usapan nila. Maski naman kasi yung drayber ay rinig ang kanilang mga boses. Lahat tahimik, at malamang, lahat nakikinig. Lahat kami tsismoso. Pero si Abdul, dakilang usisero. Hindi siya nauubusan ng tano
Pero bukod sa pagtatanong eh marunong din pala siya magkwento. Inumpisahan niya sa piyesta, dahil may nadaanan kaming sagala. Binida niya ang mga katangian at mga tradisyon sa Pilipinas. At namangha lang na alam na alam na pala yung mga yon ni Janni. Pinay daw ang asawa niya at apat na taon na dito sa bansa.
“What’s your religion, Sir? What are the religions in your country?,” tanong ni Abdul.
“Seventh Day Adventist. Christian. That’s why I’m studying at AUP. In our country, there are many religions widely distributed among our people unlike here in the Philippines, which is predominantly Catholic. We have Voodoo, Roman Catholic, Orthodox Christianity, Islam, Hinduism,” kwento ni Janni.
“I see. Me, I’m a Moslem. And yah, that’s true. Roman Catholic is the prevailing (talagang prevailing ang sinabi niya) religion here….”
Naging mahaba ang sagot ni Abdul. Nagkwento pa siya ng mga diskriminasyong natamo niya sa mga naging kaklase sa paaralan, sa trabaho. Pero maliban don ay nagtatanong siya..tungkol sa relihiyon ni Janni, sa mga paniniwala niya, sa mga dogma ng kanyang institusyon. Kyuryus pala talaga tong si Abdul.
Naging malalim ang diskursong nakuha niya kay Janni, at ako ang naging mas masugid sa pakikinig. Tinitingnan ko siyang parang isang guro..isang pantas na nagbibigay ng bagong kaalaman. Nahalata niya yata ito at napansin kong sa akin na siya tumitingin habang nagsasalita. Pero bagama’t nahalata ko ang pagkawala ng atensyon ni Abdul ay tumatango at nag-a-‘aahh’ pa din siya, pagpapakita ng interes at pakikinig.
“So we both believe in one God. We Moslems also believe in the existence of Jesus, but we see him as a prophet, not the Son of God…,” singit ni Abdul.
Kapwa sila nagpalitan ng mga paniniwala, at dumating sa puntong pareho nilang hindi masagot ang mga tanong na lumabas sa diskusyon, mga bagay na hindi naman talaga nasasagot ng mga debotong nakatali sa kani-kanilang mga relihiyon.
Sa pagpipilosopiyang kanilang ginawa (bagama’t hindi nila alam na ginagawa na pala nila) ay napagtanto nilang iisa lang ang Diyos nilang sinasamba..na nagkakaiba lang ng interpretasyon ng mga teksto, dokumento, at iba pang ebidensya. Nag-iba dahil sa libo-libong taong lumipas, at mga kaganapang nangyari sa iba’t ibang bansa, na may iba’t ibang kultura, iba’t ibang paniniwala, iba’t ibang lenggwahe.
Sa pagkakataong iyon ay para na rin nilang tinalikuran ang mga dogma at pangunahing aral ng kanilang mga relihiyon. Ngunit nagkaisa sila sa isang katotohanang sila na rin mismo ang nakabuo.
Kinaylangan na nilang putulin ang usapan nang makarating na kami sa AUP at bababa na si Janni. Halos kalahati ng biyahe niya ay relihiyon, teolohiya, at Diyos ang kanilang pinag-usapan.
Magkaiba sila ng lahi. Magkaiba sila ng relihiyon. Magkaiba sila ng kultura. Ngunit kahit hindi nila nalaman ang pangalan ng isa’t isa, nabuo at napagkasundo nila ang dalawang magkaibang relihiyon. Sa maliit na espasyo ng FX na yon ay napagdikit nila ang krus at buwan, na ilang siglong pinaghihiwalay ng lupa..tubig..langis..imperyo..kapangyarihan.
Pinakita sakin ni Janni at Abdul na hindi masamang manalig sa Diyos na may pangalan. Allah man o Yahweh, Bathala man o Buddha, isa lang naman ang gusto ng kataas-taasang espiritu: maging mga tao tayong may kaluluwa,..para sa Kanya, sa kapwa, at sa iba pang nilikha.
Pero siguro nga hanggang sa ganoon na lang natin makikita ang pagkakaisa ng mga relihiyon. Sa padalawa-dalawang tao. Sa isang FX na jampak ng pasahero.