Pulitika ang isang paksang kina-aadwa kong isulat. Marahil kasi kahit anong gawin mong paghinuha at pag-analisa, hindi mo maaalis ang baho at duming kakabit ng pulitika..sa gobyerno, sa kapitalismo o sa kahit saang aspeto. Andiyan na iyan at hindi mawawala.
Pero hindi ko mapigilan ang pagkatakot at pagkaasar; pati ang pinakamamahal kong bayan, balak naring sakupin at pagharian ng isang elyen. Makapangyarihang elyen.
Hindi ko alam kung kilala mo siya, pero kung taga-Los Baños ka, sigurado akong nakikita mo na ang mukha niyang nakasabit sa puno, sa poste, at sa kahit saan sa totoo lang.
Kamakailan ay napansin kong napapadalas ang pag-uusap namin ng kuya ko tungkol sa elyen inbeysyon na ito. Nagsimula ito nung isang gabing galing sa isang libreng concert sina Kuya at ang pamilya niya. Andun daw sa court ng munisipyo ang Kamikazee at iba pang banda. Handog daw ito ni *on para sa mga mamamayan ng Los Baños. Ako naman eh natawa.
“Wow, maghahandog na nga lang, hindi pa medical mission o job fair, concert pa. Tangnang yan. Tatakbo ba yun dito?” komento ko kay Kuya.
“Oo, magmemeyor ata yun eh. Kaya ang aga magpapogi,” sagot naman ni Kuya.
At dun ko nabalitaan na may elyen inbeysyon ngang mangyayari. No’n pa lang ay natakot nako. Alam ko kung saan siya nanggaling at kung sino ang mga elyen lords na back-up niya at ang mismong mundo nilang ginagalawan.
Sumunod noon ay nakikita ko nang may mga t-shirt na may mukha niya, suot-suot ng mga barker, mga nagtitinda sa palengke, mga pedikab drayber, at nakita ko ding suot minsan ni Vincent, yung nagtitinda ng pishbols. Nagpapakilala kumbaga, iginuguhit sa isip ng tao kung sino ba itong elyeng bigla nalang sumulpot sa bayang ito.
Naging tuloy-tuloy at mabilis ang kanyang mga operasyon sa pagsakop. Napapansin ko, mas dumadami ang mga poster at tarpaulin ng mukha niya. Iba-iba ang nakasulat. Nagsimula sa ‘Congratulations, Graduates of 2009!’ hanggang sa ‘Exercise Your Right to Vote’. Sa makalawa siguro ay ‘Vote for Me’ na ang nakalagay.
Ang sumunod naman ay kamakailang kakatapos lang namin magtanghalian sa bahay at dumating ang pamangkin ko mula sa eskwelahan. Hangos-hangos siya at ikinagulat naman nina Kuya dahil hindi naman talaga umuuwi ang mga pamangkin ko kapag tanghalian.
“Oh bakit ka umuwi? Hindi ka ba nabigyan ng baon ng kuya mo?,” tanong ng kuya ko sa anak niya.
“Binigyan po. Pero may pinapagawa po samin si titser. Kailangan na daw mamaya,” sagot naman ni Dagul, nickname niya. Haha.
Dali-dali niyang hinalikwat ang bag niya at naglabas ng maraming pirasong papel papel. Humiram ako ng isa at inusisa. Para itong survey forms na may titulong, Batang Iwas sa Droga Ako (BIDA). Nakita ko, may mukha ng tatay ni Elyen. Haha. Natawa ako, alam ko na kung para saan iyon. Pinapafill-upan ng titser nila, isang bata isang papel.. Lalagdaan ng pangalan ng bata, address, at kung anu-ano pang impromasyon na para bang sasali ng raffle. At kailangan, sa hapon ding iyon, makakahanap si Dagul ng sampung batang maging BIDA. Hahaha. ‘Nak ng tinapa.
“Ano naman daw makukuha niyo sabi ni Titser?,” tanong ni Kuya kay Dagul.
“May bonus grade daw po!,” sagot ni Dagul na parang excited pa.
Putanginang pati mga batang nananahimik sa pag-aaral guguluhin pa niya para lang sa inbeysyon niya. Malamang lamang, si Titser ang may tunay na bonus.
Talagang malawakan na ang operasyon ng elyeng ito. Ngunit ang talagang nagsindi ng galit ko eh nitong isang gabi lang na binalita sakin ni Kuya. May proyekto daw si Elyen na nagbibigay ng TESDA certification para sa mga naghahanap ng trabaho o parang ganun. Ngunit pagkatapos pumirma, bibigyan na ng mga precinct number at details para sa susunod na eleksyon. Naninigurado na si Elyen. Ga’no ka-bastos yun? Ilang buwan pa bago mag-eleksyon pero may ganun na? Tangnang yan.
Sinakop na tayo ng mga Kastila, Amerikano at Hapon sa ating kasaysayan. Ayoko nang magpasakop muli.
Ikaw? Magpapasakop ka ba sa elyen? Sa elyeng may tatay na binalak magtayo ng casino at sirain ang reputasyon at kapaligiran ng Los Baños? Sa elyeng nabigong sakupin ang ibang bayan kaya’t tayo naman ang pinupuntirya? Sa elyeng binalak pang gawing sister-school ang aking unibersidad? Sa elyeng binigyan ng powers ni GMalien upang sakupin ang bayang ito at gamitin sa pagpapalago ng yaman, pagpapatindi ng pagnanakaw? Sa elyeng ang alam lang ay pagpapapogi?
Siguro nagtataka ka kung bakit ako ganito ka-apektado. Ako rin.
Pero dito ako ipinanganak at lumaki sa Los Baños. Kabilang ako sa henerasyong nilalang ng mga nabighani sa ganda ng bayang ito. Kabilang ako sa henerasyong pinalad na maalagaan ni Maria Makiling. Kabilang ako sa henerasyong nakita at naramdaman ang tunay na ganda ng Los Baños.
Naaalala kong lingo-linggo ay nagpipicnic kami sa Baker field o minsan sa isang damuhan papuntang Jamboree. Doon kami maglalarong magkakapatid habang naririnig ang mga huni ng mga ibon at mga tawanan ng mga batang kapwa din naglalaro. Naaalala kong hinihiram kaming magkakapatid ng Ninong ko at ipapasyal dun sa Mulawin Creek. Malinis na malinis pa ito noon at abot hanggang tuhod ang tubig. Doon kami manananghalian at pagkatapos ay magtatampisaw at manghuhuli ng talangka. Naaalala kong umaakyat kami sa Arts Center at mangunguha ng duhat. Kakainin namin habang nakatanaw sa bughaw na langit na pumapalibot sa payapang lawa at tahimik na lupain ng bayang ito. Dito ako namulat, sa ganitong paligid. Ito ang naging tahanan ko. Kaya naiisip ko, gusto ko iyong maranasan at masaksihan ng magiging mga anak ko, at ang mga henerasyong sunod sa amin. Gusto kong matupad ang pangarap kong ipinta ang Carillion tower at fertility tree na kita ang matataas na puno sa paanan ni Maria Makiling at mga ibong nagliliparan sa asul na kalangitan. Gusto kong sa pagtanda ko ay makita ko parin kung gaano kaganda at kalinis ang Los Baños.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang feature article ko sa Los Baños Times noon ay tungkol sa mga pagbabagong nangyari sa bayang ito at kung saang direksyon ba ito patungo. Ininterbyu ko ang mga naging pundasyon ng bayang ito, mismong mga saksi at dahilan ng mga pagbabagong ito. Nagtanong-tanong ako sa mga nakakaalam, nagtanong-tanong sa mga akala nilang sila ay may alam. Bawat isa ay may kwento; bawat isa ay may karanasan; bawat isa ay may pananaw. Pinagdugtong-dugtong ko lahat at nabuo ang kwento ng Los Baños.
Dahil doon ay mas nakilala ko pa ang bayang sinilangan at natutunang ito ay mananatiling bayan ni Maria Makiling, bayan ng at para sa agham at kalikasan.
..hangga’t itinataguyod ito ng mga taong nasa pamahalaan.
Ngunit kung elyen ang nakaupo, tayo mismo, magiging mga elyen sa sarili nating bayan. Ayokong mangyari yun. T*ngina naman.